Paano kaya kung mga Media Personnel ang na-hostage?
Naghahanap ako ng mga makabuluhang artikulo at mga blog sa internet nang mapadpad ako sa blog ni Raissa Robles, isang political blogger. Sa kanyang blog, nakapukaw ng aking pansin ang pinakahuli niyang entry, na may pamagat na If Maria Ressa, Jessica Soho, Luchi Cruz or Michael Rogas were held hostage, how should media cover it?
Napaganda ng punto na ibinigay ni Madam Raissa Robles. Sa pagdinig kasi ng IRCC, lumabas ang anggulong dapat ay mas binigyang importansya ng mga taga-media ang buhay ng mga hostage kumpara sa pagbibigay ng coverage sa mga manonood. Isang tungkuling makatao na dapat ay inuna ng media.
Nagkaroon na ng pagkakataon noong nakaraan na naging bihag ang mga myembro ng media. Noong nabihag si Ces drilon at ang mga kasama niyangcameramen, naging limitado ang broadcast na ibinigay ng ABS-CBN para na rin sa kaligtasan ng mga bihag.
Kung nagawa noon, bakit hindi nagawa ngayon?

Kaninang hapon ay ipinatawag sa Senado ang mga news executives ng ABS-CBN, GMA-7,TV-5, at RMN (Radio Mindanao Network). Doon ay inisa-isa ang punto ng bawat panig at kung dapat daw bang amiyendahan ang kasalukuyang batas. Ngunit ipinaglaban ng mga taga-Media na self-regulation na lang ang kanilang gagwin.
Oo nga at trabaho ng mga taga-Media na magbigay sa atin ng balita. Pero sa aking opinyon, mas makatao at higit pa sa tungkulin ang pahalagahan ang buhay ng kapwa tao. At alam kong alam ng mga taga-Media iyon dahil narinig ko sa kanila dati ang “No story is worth than a human life.”
Ang kalayaan ay laging may kaakibat na responsibilidad. At tayo, bilang mga tao, ay may responsibilidad, at may pananagutan sa ating kapwa tao.
Sana ay mayroon tayong mga natutunan sa malagim na pangyayaring ito. At sana ay huwag ng maulit muli.
Photo courtesy of ABS-CBNnews.com













